JOINING THE PHILIPPINE HISTORICAL ASSOCIATION

Join the Philippine Historical Association!
Educators, researchers, cultural heritage workers and other professionals who are interested in the study, teaching and promotion of Philippine history and culture, are welcome to join the PHA.

Saturday, September 17, 2011

PHA 2011 ANNUAL CONFERENCE, MATAGUMPAY!

Bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Linggo ng Kasaysayan (September 15-21), ang Philippine Historical Association  ay nagsasagawa ng pambansang kumperensiya  ukol sa mga napapanahong paksa sa pananaliksik at pagtuturo ng Kasaysayan . 

Ngayong taon ay matagumpay na naisagawa ng PHA ang kumperensiya nito na may temang "Magkakatuwang na Larangan, Magpapatingkad ng Kabuluhan: Ang Paggamit ng mga Agham Panlipunan sa Pagtuturo ng Kasaysayan" (History and the Social Sciences). Isinagawa ito nitong Setyembre 15-16 sa Bulwagan ng National Historical Commission of the Philippines, Ermita, Maynila na dinaluhan ng nasa isaandaang mga historyador, guro at mananaliksik sa kasaysayan. 

Sa pagbubukas ng kumperensiya ay nag-alay ng panalangin at sandaling katahimikan ang lahat sa alaala ng dalawang historyador ng PHA na sumakabilang-buhay ngayong taon – sina Dean Gloria Santos at Dr. Dante Ambrosio.   Nagbigay ng maiikling pagbabahagi sina Prop. Oscar Evangelista ukol kay Dean Santos bilang malapit na kaibigan sa PHA at Xiao Chua ukol kay Dr Ambrosio bilang mentor sa Kasaysayan.  Ipinalabas din ang huling panayam kay Dean Santos sa dokumentaryo ni Xiao Chua ukol sa kabayanihang Pilipino noong panahon ng pananakop ng mga Hapon.

Sa unang araw ng kumperensiya ay nagsalita sina: Dr. Teofista Vivar, Dr. Evelyn Miranda (UP Diliman), Dr. Ma. Luisa Camagay (UP Diliman) at Prop. Praksis Miranda ukol sa papel ng Panitikan, Sosyolohiya at Demograpiya sa pagtuturo at pananaliksik sa Kasaysayan; Dr. Estrellita Muhi ukol sa Kasaysayan at Agham Pampulitika; at Dr. Celestina Boncan (UP Manila) ukol sa Kasaysayang Pangkabuhayan ng Pilipinas. Nakibahagi rin sa programa ang kasalukuyang tagapangulo ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan, Dr. Maris Diokno at inihatid ang magandang balita ukol sa positibong pag-apruba ng pamahalaan sa badyet ng NHCP at pagtataas pa nga nito para sa ilang malalaking proyekto. Gayundin ay binanggit ni Dr. Diokno ang kanyang mga plano para sa pagsasaaayos at modernisasyon ng mga shrine at museum ng NHCP.  Pinaalam din niya sa lahat na ang NHCP ay magsisimula nang maghanda sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-150 taon nina Andres Bonifacio sa 2013 at Apolinario Mabini sa 2014. Nabanggit din niya ang pakikipag-ugnayan ng kanyang tanggapan sa DepEd para sa mga usaping may kinalaman sa Araling Panlipunan/Kasaysayan sa larangan ng Batayang Edukasyon, tulad ng sa bagong kurikulum at pagsasagawa ng kongreso ng mga guro ng araling panlipunan, at pagtatatag ng isang samahan ng mga guro ng araling panlipunan sa bansa. 


Nagtapos ang unang araw sa isang lakbay-gunita at pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Rizal sa pangunguna ni Prop. Xiao Chua. Si Prop. Mitzi Icasiano (Enderun Colleges) at Prop. Arnaldo Mendoza (First Asia Institute of Technology and Humanities) ang nag-alay ng bulaklak. 

Sa ikalawang araw ng kumperensiya ay nagsalita sina: Prop. Jerome Ong (UP Manila) ukol sa Kasaysayan at Heograpiya;  Prop. Arleigh Ross Dela Cruz (DLSU) ukol Kasaysayang Medikal ng Pilipinas; Dr. Evelyn Songco (UST) ukol sa papel ng assessment sa pagtuturo ng kasaysayan; at Dr. Ambeth Ocampo ukol kay Rizal at sa kanyang interes sa Agham Panlipunan. Nagtapos ang ikalawang araw ng kumperensiya sa pag-awit ng “Pilipinas Kong Mahal” habang ipinapasa sa bawat delegado ang nakatuping bandila ng Pilipinas bilang simbolo ng pagkakaisa ng mga guro ng kasaysayan sa layuning itaguyod at pag-igtingin ang pagmamahal sa bayan sa pagtuturo ng kasaysayan sa kabataang Pilipino.

Nagsilbing mga guro ng palatuntunan sina Prop. Jonathan Balsamo (Heroes Square) at Prop. Mary Dorothy Jose (UP Manila). Si Gng. Ma. Theresa Fidelino (Angelicum College) ang nagbigay pangkalahatang impresyon sa kumperensiya sa ngalan ng lahat ng mga delegado.

Nagpapasalamat ang PHA sa Vibal Publishing House at National Historical Commission, CHED at DepEd sa suporta at tulong na nagbigay-daan sa matagumpay na pagsasagawa ng kumperensiya.

Narito ang ilang mga larawan mula kina Jonathan Balsamo at Xiao Chua.


 


































Panoorin ang pagtatapos ng kumperensiya sa sama-samang pag-awit ng" Pilipinas kong Mahal" at simbolikong pagpapasa ng nakatuping bandila ng ating bansa:


http://www.youtube.com/watch?v=8M-5B-rSFNI&feature=channel_video_title