TATLONG TAGA-PHA, NAGWAGI NG PINAKAMAHUSAY NA MGA PAPEL SA DLSU ARTS CONGRESS
Tatlo sa limang itinanghal na pinakamahusay na papel sa katatapos lamang na Ika-limang Arts Congress ng Pamantasang De La Salle Maynila noong 15 Pebrero 2012 ay napanalunan ng mga miyembro ng Philippine Historical Association (PHA). Nagwagi sina Prop. Arleigh Ross Dela Cruz, pangalawang pangulo ng PHA, para sa kanyang papel na “Gender Images and Stereotypes in Philippine Political Caricatures, 1907-1940;” Prop. Marlon Delupio, lifetime member ng PHA, para sa kanyang papel na “Ang Kartoon bilang Anino ng Sakdalismo: ang Sining ng Pagguhit Bilang Kasangkapan ng Protesta at Pakikibaka;” at si Prop. Michael Charleston B. Chua, kasapi ng lupon ng mga gobernador ng PHA (kasama si Bb. Dominique Angela M. Juntado, estudyanteng pang-gradwado ng UP Departamento ng Antropolohiya), para sa kanilang papel na “We Are The Best Packers in the World: Ang Biruan Bilang Salamin ng Paghiraya ng Diasporang Pilipino.”
Ang mga nagwagi ay pinarangalan noong gabi ng 15 Pebrero 2012 sa pormal na pagbubukas ng eksibit na “Visual Perspective: Arts Explorations by LaSallian Educators” sa “The Museum,” ang Museo ng Pamantasang De La Salle Maynila sa Bulwagang Enrique T. Yuchengco. Ang bawat papel na nagwagi ay makatatanggap ng limang libong pisong premyo.