JOINING THE PHILIPPINE HISTORICAL ASSOCIATION

Join the Philippine Historical Association!
Educators, researchers, cultural heritage workers and other professionals who are interested in the study, teaching and promotion of Philippine history and culture, are welcome to join the PHA.

Friday, June 3, 2011

DANTE AMBROSIO, Historyador at Ama ng Etnoastronomiyang Pilipino

Dante Lacsamana Ambrosio was  full professor at the Department of History at the University of the Philippines Diliman. He specializes in early history and ethno-astronomy, contemporary history, and the Martial Law Period. He finished his bachelor’s, master’s, and doctoral degrees in History at UP Diliman. He served variously as researcher, textbook reviewer, consultant, translator, editor, lexicographer, critic, and lecturer. He coauthored Kasaysayan ng Filipinas at mga Institusyong Filipino (2003) andKasaysayang Bayan: Sampung Aralin sa Kasaysayang Pilipino (2001). His researches include “Militanteng Kilusang Manggagawa: Sa Ilalim ng Batas Militar Patungo sa EDSA 1 (1972–1986)” (2007), “Surplus Ships, Surplus Engines, Surplus TV: A Social History of Survival in Malabon, Navotas, and Kalookan” (2006), and “Naga, Bakunawa, Laho: Mga Ahas sa Langit ng Pilipinas” (2004)."[Mula sa http://www.traderoots.ph, galing ang larawan sa http://history.upd.edu.ph]

Narito ang pagpapahalaga at pagkilala kay Dr. Ambrosio mula sa kanyang dating estudyante sa UP, Michael Charleston B. Chua:


NASA MGA BITUWIN NA KAYO, SER!

ni XIAO CHUA

DEO OPTIMO MAXIMO: Ihinahabilin namin sa kamay ng pinakadakila at pinakamahusay na Panginoon si Prop. Dante Ambrosio, Ph.D., Historyador Ng Bayan, na isinuko na ang ilang araw na pakikibaka sa karamdaman kaninang 2 AM, 4 Hunyo 2011 sa Philippine Heart Center.

Siya ang AMA NG ETNOASTRONOMIYA, sa kanyang aklat na BALATIK, pinatunayan niya na ang ating kabihasnan ay mayroong mayaman at sariling konsepto ng konstelasyon. Siya rin ay haligi ng KAPANAHONG KASAYSAYAN bilang tagapagturo ng Kasaysayan ng Kontemporanyong Pilipinas sa Wikang Pilipino, at nakibaka para sa bayan mula sa panahon ng kadiliman nito. Bilang paham ng Maka-Pilipinong Kasaysayan, nagturo siya sa UP Departamento ng Kasaysayan, kasapi ng Kapisanang Pangkasaysayan Ng Pilipinas, tagapagtaguyod ng ADHIKA, at kaibigan at tagapayo ng UP Lipunang Pangkasaysayan. Higit sa lahat, masigasig na guro, tapat na kaibigan, mapagmahal sa kapamilya. 

Nabiyayaan niya ako ng kanyang mahahalagang kolekesyon na hindi niya ipinagdamot at dahil mapalad ako na naging estudyante niya, ipinangako ko sa kanyang deathbed noong Martes na anumang ibinigay niya sa akin ay ibabahagi ko sa iba. Sana mas may nagawa pa ako sa inyo kung maykaya lang ako pero sana alam ninyo na lagi kayong nasa isip ko. 
Matagal na ang laban mo Sir Tedans, ***, pahinga ka na.... PAPURI SA DIYOS AT PASASALAMAT SA BUHAY AT PAG-IBIG NA INYONG IBINAHAGI!



Isang masayahing kaibigan at mabuting kasamahan si Sir Dante. Ito naman ang pagpapahalaga sa kanya mula sa isang kaibigang historyador sa Philippine Historical Association, Dr. Celestina P. Boncan:


Paalam, mahal na Dante
Celestina P. Boncan



Mahirap tanggapin ang balita na wala na si Dante.

Una kong nakilala si Dante sa Departamento ng Kasaysayan ng UP Diliman noong 1988 nang ako ay maging bahagi ng kaguruan. Magkatabi kami ng silid sa Faculty Center kung kaya’t siya ang lagi kong kausap. Bagamat halos lahat ng oras namin sa Departamento ay nauuwi lamang sa pang-araw-araw na pagtuturo, mayroon ring pagkakataon na kami’y nagkakausap. Ang mga alaala ko sa mga pag-uusap na iyon ay pawang masaya sapagka’t si Dante ay magiliw kausap, laging nagpapatawa.

Sa labas ng mundo ng pamantasan at buhay pang-akademiko nakilala ko ang iba pang aspeto ng pagkatao ni Dante. Ito ay nang kaming dalawa ay maging kasapi ng Board of Governors ng Philippine Historical Association (PHA).

Si Dante ay matulungin at tunay na ‘gentleman.’ Sa mga out-of-town na seminar na ginagawa ng PHA, laging naka-antabay si Dante upang tumulong magbuhat ng aming mga dala-dalahin bagamat lagi kaming pinaaalalahanan ni Dean Santos na kami ang magbibitbit ng aming mga sariling kagamitan. Ganyan si Dante, ayaw niya kaming nakikitang nahihirapan.

Si Dante ay payak na tao. Noong kami’y nasa Bohol para sa isang seminar, habang kaming mga kababaihan ay abala sa aming kasuotan para sa pagbubukas ng seminar, si Dante ay anyo ng simpleng pananamit at panlasa. Ang piniling kasuotan ni Dante ay isang plantsadong checkered na polo at maong na pantalón --- ika nga ang ‘signature’ na anyo ni Dante sa anumang okasyon.

Si Dante ay mahinahon. Walang masamang tinapay para sa kanya. Malayong siya ang pagsimulan ng alitan. Hindi niya magawang magalit kanino man. At kung mayroong di-pagkakaunawaan, wala siyang pinapanigan. Ang una pa nga niyang gagawin ay pagbatiin ang mga hindi nagkakaunawaan. Ang mahalaga sa kanya’y maibalik ang mabuting ugnayan.

Si Dante ay mahusay na tagapagsalita sa mga seminar. Madali niyang napapanatag ang kalooban ng mga tagapakinig sa mensahe ng kanyang panayam. Ito’y makikita sa mga mata ng mga participants at kanilang magiliw na pagtanggap sa kanyang mga sinasabi. Ito marahil ay dahil sa madaling maintindihan ang kanyang sinasabi at kapani-paniwala siya sa kanyang sinasabi.

Si Dante ay istoryador sa tunay na kahulugan ng salita. Siya’y nagsasaliksik ng datos para sa kanyang mga panayam. Kaaya-aya ang kanyang panayam para sa pagsusulat ng oral at local history, tampok na tema ng serye ‘The Centennial Goes to the Barrios’ ng PHA. Kung susundin ng sinuman ang kanyang mga payong-hakbang, hindi mahirap na makabuo ng isang kapani-paniwalang kasaysayang pampook.

 

Si Dante ay masugid na naniniwala sa kanyang mga prinsipyong pang-kasaysayan. Noong 2006 ang tema ng taunang kumperensya ng PHA ay ang pag-unlad ng mga partidong pulitikal sa Pilipinas. Binigyang-katarungan ni Dante ang bawat salita at pangungusap ng paksa na ibinigay sa kanya --- “Ang Kaliwa sa Sistemang Pampulitika ng Pilipinas.”


Mahirap isipin na nanaig ang karamdaman sa malusog na pangangatawan ni Dante. Sa pisikal na anyo, ang alaala ko kay Dante ay isang malaking tao --- matangkad, mabigat sa timbang. Una kong nakita ang panghina ng katawan ni Dante noong 2008 sa isang kumperensya ng Komisyon ng Wika. Hindi ako makapaniwala sa dami ng ibinagsak  na timbang ni Dante. Payat na siya at halatang mayroong dinadalang karamdaman. Lalo akong nanlumo nang dumating ang balita na lumala ang karamdaman ni Dante at nangangailangan ng operasyon. At heto, ang pinakamasakit na balita, wala na si Dante.

Salamat Dante sa iyong pakikipagkaibigan, sa mga halakhak na nag-ugat sa iyong mga pagpapatawa, sa mga sandali ng kapayapaan at pagmumuni-muni dulot ng iyong malalim na pag-unawa sa buhay.

Paalam, mahal na Dante. 

Si Dr. Dante Ambrosio (sa dulong kaliwa) kasama ang mga kaibigan mula sa Philippine Historical Association at National Historical Commisson sa isang seminar sa Iligan noong 1998. (Larawan mula kay Dr. Boncan)

Tula ni Wensley Reyes, mananalaysay at tulad ni Sir Dante, nagsusulong at nagsusulat ng Kasaysayan sa wikang Filipino:


Alay kay Dr. Dante Ambrosio (1951-2011)

Wensley Reyes

Dinala mo ang lahat sa isang talakayan patungkol sa kabihasnan
At naging saksi kami sa paghahawan mo ng bagong kamulatan
Na ang ating pagka-Pilipino ay mas lalong mauunawaan -
Tanawin at pagnilayan ang kalangitan sa maghapo't magdamag
Esposo ng karunungan ang nagpapahalaga sa kasaysayan at kalinangan!

Aalalayan ka ng buwan at tanikala ng mga bituin
May dagdag na tanglaw ang sambayanan sa gabing madilim
Biyaya ka ng Lumikha at sa Kanya magbabalik
Rurok ng iyong pagkapantas pamana sa susunod na salin-lahi
Obrerong mapagpalaya rin, ikaw na hindi nagapi
Sa bayan na lagi mong pinaglingkuran at binigyang ginhawa
Isang pagpupugay ang iyong naging buhay at pakikibaka
Oyayi ng langit ang sa iyo ngayo'y maghihimbing!