Ginawaran ng “National Book Development Board Quality Seal Award” ang Vibal Publishing House, Inc. para sa aklat na “Kultura, Kasaysayan at Kabuhayan 5” sa ginanap na National Book Development Board Award Ceremonies sa Eastwood Richmonde Hotel sa Eastwood City, Bagumbayan, Quezon City noong Mayo 28, 2011.
Isa sa mga may-akda ng nanalong aklat ang isa sa mga kasapi ng lupon ng Philippine Historical Association (PHA) na si Prop. Mary Dorothy dL. Jose mula sa University of the Philippines Manila. Kasama niyang sumulat ng aklat ang yumaong si Dr. Grace Estela Mateo (na siya ring tumayong patnugot ng serye kung saan kabilang ang aklat, nagturo din sa UP Manila at naging kasapi rin ng PHA), Dr. Lydia Agno, Dr. Celinia Balonso at Dr. Rosita Tadena mula sa College of Education ng University of the Philippines Diliman.
Ayon sa “citation” para sa nanalong aklat, ito ay isang “textbook na naglalaman ng mga makabuluhang aspekto ng ating kasaysayan na nakasulat sa isang simple at payak na pamamaraan na madaling maunawaan ng isang mag-aaral sa Grade V.” Binigyan din ito ng pagkilala para sa pagtalakay sa mga mga naisasantabing sektor sa lipunan at kasaysayan gaya ng kababaihan at mga grupong etnolingwistiko. Sa kabuuan, pinahalagahan ang aklat sa mga katangian nitong maaaring magbigay-daan upang mas mapukaw ang interes ng mga mag-aaral sa pag-aaral ng kasaysayan.
Ang National Book Development Board (NBDB) ay ang tanggapan ng pamahalaan na may tungkuling paunlarin at suportahan ang industriya ng paglalathala ng mga libro sa bansa. Ito ay nilika ng Republic Act 8047 na pinamagatang "Book Publishing Industry Development Act (1995)".