Dalawang beses naanyayahan si VP Chua ng Bahay Saliksikan ng Bulacan (Center for Bulacan Studies o CBS) ng Bulacan State University at ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP Bulacan-Zambales Cluster), sampu ng mga local na pamahalaan ng Bulacan, na magsalita ukol sa paksang “Isang Himig, Isang Bandila: Ang Pambansang Awit at Bandila sa Agos ng Kasaysayan at Kalinangang Pilipino.” Ang una ay noong 28 Mayo 2010, Pambansang Araw ng Watawat para sa Ika-4 na Lecture Series for Bulacan Studies na may paksang “Ang Watawat at Pambansang Awit: Alaala ng Tagumpay ng Bayan” na ginanap sa Dambana ni Marcelo H. del Pilar sa Bulakan, Bulacan; at noong 10 Hunyo 2010, dalawang araw bago ang Araw ng Kasarinlan, sa sampaksaang “The Philippine Flag: Respect and Awareness” na ginanap sa Pook Pangkasaysayang Simbahan ng Barasoain, Malolos, Bulacan.
Ang bagong pakikipagkaibigan na ito ay nagluwal ng Kumperensyang Pangkasaysayan para sa ika-112 Anibersaryo ng Pagbubukas ng Unang Kongresong Pilipino na pinamagatang “IMAHEnasyon: Paghiraya sa Nasyon at Bayan ng Congreso Filipino 1898” na ginanap noong nakaraang 14 Setyembre 2010 sa Bulacan State University na naidaos sa pakikipagtulungan ng CBS, PHA, NHCP, UP Lipunang Pangkasaysayan, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Pamahalaang Panlungsod ng Malolos, Departamento ng Edukasyon. Bahagi ng mga tagapagsalita ang Pangulo ng PHA Dr. Songco at si G. Chua, kasama sina Dr. Zeus Salazar, Dr. Lino Dizon, Dr. Vicente Villan, G. Ian Christopher Alfonso, at G. Isagani Giron.
Nasundan ito ng isa pang kumperensiya na idinaos noong Enero 21, 2011 kung saan ay nagsilbing tagapagsalita sina G. Balsamo, Dr. Boncan at G. Ian Alfonso bilang bahagi ng paggunita sa anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas. (MCBC)