JOINING THE PHILIPPINE HISTORICAL ASSOCIATION

Join the Philippine Historical Association!
Educators, researchers, cultural heritage workers and other professionals who are interested in the study, teaching and promotion of Philippine history and culture, are welcome to join the PHA.

Saturday, October 11, 2014

TAUNANG KUMPERENSYA NG PHA MATAGUMPAY NA NAIDAOS; MANNY CALAIRO, BAGONG PANGULO


I.  Taunang kumperensya

Noong nakaraang August 28-30, 2014, maluwalhating naidaos ang taunang pambansang kumperensya ukol sa Kasaysayang Pampook ang Philippine Historical Association sa Holy Angel University, Lungsod ng Angeles sa Pampanga.  Tinalakay dito kung paano ba manaliksik, magturo at magpalaganap ng kasaysayang pampook tungo sa pagbubuo ng bansa sa harapan ng bagong kurikulum ng K+12.  Tinalakay din ang ika-150 taong kapanganakan ni Apolinario Mabini, ang utak ng Unang Republika.  


Sa taong ito, hindi lamang mga establisadong mga pangalan sa pag-aaral ng kasaysayan ang  nagsalita, nagkaroon ng pagkakataon ang mga bagong mananaliksik at guro ng kasaysayan na makapagbahagi ng kanilang mga pananaliksik sa pamamagitan ng mga simultaneous sessions.  Kailangang muling buksan ang organisasyon sa isang bagong talastasan lalo at ipagdiriwang ng Kapisanan ang ika-60 taong anibersaryo nito sa susunod na taon.  



II.  Bagong halal na lupon

Sa unang gabi ng kumperensya, idinaos din ang pangkalahatang kapulungan ng Philippine Historical Association sa John A. Larkin Library ng Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies kung saan nahalal ang labing-isang bagong uupo bilang lupon na mamumuno sa PHA sa loob ng dalawang taon.  Ang mga bagong halal ay kapwa mga establisadong mga pangalan sa pagsusulat at pagtututuro ng kasaysayan, mga batang iskolar at guro, maging ng mga beterano na at baguhan sa PHA:

President: Dr. Emmanuel Franco Calairo (De La Salle University Dasmarinas)
Vice President: Dr. Evelyn Songco (University of Santo Tomas)
Secretary: Jonathan Balsamo (Museo Valenzuela)
Treasurer: Dr. Evelyn Miranda (University of the Philippines Diliman, retired)
Public Relations Officer: Prof. Michael Charleston Chua (De La Salle University Manila)
Auditor: Wensley Reyes (Philippine Normal University)
Editor In Chief - Historical Bulletin: Dr. Ma. Luisa Camagay (University of the Philippines Diliman)
Board members:
Dr Estrelita Muhi (Mother of Perpetual Help University, retired)
Dr. Arlene Domingo Calara (University of Sto. Tomas)
Prof. Gloria Melencio (University of Sto. Tomas)
Prof. James Guidangen (Kalinga Apayao State College)


Isa sa mga plano ng bagong lupon ay ang pagkakaroon ng isang pandaigdigang kumperensya sa susunod na taon ng ika-60 na anibersaryo ukol sa kalagayan ng Edukasyong Pangkasaysayan sa Asya.  



III.  Manny Calairo, bagong pangulo

Ang aming bagong halal na pangulo ay ang kilalang historyador ng Cavite na si Propesor Emmanuel Franco Calairo, Ph.D.  Dating direktor ng Cavite Studies Center at pangalawang pangulo ng Cavite Historical Society.  

Nagtamo ng doktorado sa kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, full professor sa Pamantasang De La Salle sa Dasmariñas, Cavite at naging Dekano ng College of Liberal Arts ng nasabing pamantasan.  

Si Sir Manny ay kasapi rin ng Film Academy of the Philippines, pangulo ng Association of Studies Centers in the Philippines, dating tagapagulo ng Philippine Academic Consortium for Latin American Studies at naging Chapter Commander ng Knights of Rizal.  

Multi-awarded din si Sir Manny, kabilang na ang 2005 National Book Award Winner para sa Edukasyong Pampubliko: Ang Karanasan ng Kabite, 1898-1913, at ang Emilio Aguinaldo Outstanding Achievement Award, ang pinakamataas na sibilyan na parangal na ibinibigay ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite.  

Pero lingid sa kaalaman ng iba, si Sir Manny pala sa totoo lang ay tubong Quezon City ngunit dahil sa pagmamalasakit sa kasaysayang pampook ng Cavite, kinilalang adopted son of Cavite, at binigyan pa ng mga resolusyon bilang adopted son ng mga bayan ng Tanza at Naic.  

Nakapaglathala na 24 na mga aklat kabilang na ang Heritage Tourism: Cavite Historical Sites, Philippine Coast Guard: A Historical Account of a Maritime Enforcement Agency, 1901-2008, Tanza: Bayang Sinilangan ng Pamahalaang Rebolusyonaryo ng Pilipinas, Saloobin: Sagot ni Hen. Emilio Aguinaldo sa mga Paratang ng Dakilang Lumpo, Cavite in Focus: Essays on Local Historiography, Mga Anak ng Tangway sa Rebolusyong Pilipino, at Ladislao Diwa at ang Katipunan.